Hindi ko maintindihan kung bakit nagiging big deal para sa iba ang maging single lalo na tuwing may mga special occasions sa kalendaryo, katulad na lang ng Pasko at Valentine’s Day. Hindi naman ‘yung boyfriend o girlfriend nila ang ihahain nila sa Noche Buena ah? Well.. Baka ganun nga pero parang mali naman yata ‘yun. Iba ang diwa ng Pasko sa libog ng tao. Kung libog at harutan lang naman pala, edi ipagpaliban na lang dapat ‘yun sa Feb. 14 kung kelan laganap ang ‘putukan’. Tsaka hindi naman requirement magka-jowa sa mga panahong ‘yun. Pwede ka naman makipaglandian o maging extra sweet sa pamilya at mga kaibigan mo. Pwede mo rin nga i-date sarili mo e, tapos magputukan kayo ng sarili mong kamay gabi-gabi. (oops, hindi ako nagtype nun, pasensya) Maliban sa hindi requirement ‘yun e hindi mo rin ikamamatay ang pagiging single. Sa katunayan, masarap maging single. Walang pinaggagastusan. Malaya kang magpaligaw/manligaw. At kahit itiwang-wang mo ang buo mong katawan sa harap ng karamihan, walang BF/GF na magagalit sayo. At hindi porket single ka e walang nagkakagusto sayo. Sadyang may mga taong gusto munang lubusin ang pagiging ‘malaya’ nila, mga taong ayaw magpatali sa isang relasyon na wala namang kasiguruhan. Kasi hindi lahat ng relasyon, nagtatagal. Mangilan-ngilan lang talaga ang mga nagtatagal at hindi sumusuko kahit anong pagsubok pa ang dumating sa kanila. Minsan din, kung kayo talaga, KAYO TALAGA. Maghiwalay man sila Mickey at Minnie mouse, mabiyak man ‘yang kinatatayuan ng bahay niyo, gumuho man ang mundo, kung kayo talaga ang para sa isa’t isa, sa huli, kayo pa rin ang magkasama. Pero kung hindi man ‘yan mangyari, lagi mo lang tandaan na:
- HINDI PA ‘YAN ANG KATAPUSAN
- HINDI MO PA ORAS MAGMAHAL
- HINDI SIYA ANG PARA SAYO
- HINDI KA RIN PARA SA KANYA (baka kasi ipilit mo pa)
- PANAHON NA PARA MAS MAHALIN MO ANG SARILI MO
- PANAHON NA PARA MAGMAHAL KA NG IBA
Madali lang sabihin pero mahirap gawin. Lalo na kung ang kinakalaban mo ay ang kagustuhan ng Diyos at/o ng tadhana. Kaya mas mabuting h’wag mo nang ipagpilitan na “siya” na nga, kasi malay mo, mas sasaya ka pa pala sa piling ng iba.
Kung sa tingin mo e hindi mo na makukuha ang gusto mo at sa tingin mo e hindi mo na talaga siya makukuha sa pang-aakit, give up na! Ang magaling na sundalo ay ‘yung alam kung kelan dapat sumulong at kung kelan dapat sumuko. Huwag kang pilosopo kesyo hindi ka sundalo. “Love is a battlefield” ika-nga sa Ingles. So technically, sundalo ka ng pag-ibig. Kung puro puso lang ang gagamitin mo, walang duda, ikaw ang matatalo. Tsaka mo na ibuhos ‘yang pagmamahal diyan sa puso mo kung sigurado ka nang aalagaan niya ito. Paano ka makakasiguro? Edi gamitin mo utak mo. Kung nasasaktan ka na at sinasaktan ka niya (sinadya man o hindi), umaray ka! Huwag mong idaan sa pangiti-ngiti lang ang sakit. Sarili mo lang niloloko mo niyan eh. Kung hindi mo na talaga kaya, MOVE ON NA.
Ang pagmo-move on ay hindi pagsasara ng puso mo sa ibang tao. Kaya huwag ka maging bitter kasi hindi lahat ng tao tulad nung nanakit sayo. Ang pagmo-move on ay pag-usad lamang para hindi mapag-iwanan (ng taong dati mong minahal na ngayon ay tuluyan ka nang nakalimutan).
Napakahirap ng prosesong ito. Matagal pa. Kasi ang tuluyan na pagmo-move on ay taon-taon ang binibilang at dram-dram na luha ang binubuhos bago makalimot sa lahat. Pero hindi mo lang naiisip na sa bawat pagpatak ng luha mo ay senyales na ‘yan ng pagmo-move on mo. Dahil sa oras na mailabas mo ‘yung mga luha mo, para mo na ring nailabas lahat ng sakit na naidulot niya sayo. Lahat ng sakit na hindi kayang ilabas ng puso mo, makikita mo ‘yan sa mga mata mo. Hindi muta ha. Luha. Pero pag hindi mo pinunasan ang mga luha mo, magiging muta ang mga ‘yun. Lahat ng bagay sa mundo may kapalit hindi ba? Kaya iiyak mo lang ‘yan sa ngayon, kasi ngingiti ka rin sa tamang panahon.. dahil sa tamang tao.. sa tamang pagkakataon. Although sa tingin ko, minsan kailangan din natin madapa, umiyak at masaktan para cute. Dahil bawat isa sa atin ay mayroong dapat matutunan, mga bagay na tanging karanasan lang ang daan.
Maaring makatulong sayo ‘tong mga pinagsasabi ko dito. Maari ding hindi. Nasa sayo naman talaga ‘yan eh.. kung paano mo dalhin ang sarili mo sa mga sitwasyong tulad nito. Ayaw mo na ngang umasa pero gusto mo pa rin maghintay. Mahal na mahal mo pero hindi pwedeng mapasayo. Ayaw mo pang sumuko pero wala na talagang pag-asa. Gusto mong ipaglaban pero nanghihina ka na. Ganun talaga. Mas mahirap pag sarili mo na ang iyong kinakalaban. Para mong nilalagari ang paa mong nakatali gamit ang chainsaw, sa halip na ‘yung kadena ang pinuputol mo.