Minsan mahirap na ikaw lang ang nagkakagusto sa isang tao. Kasi kahit ilang beses mong i-convince ang sarili mo hindi mo siya gusto, sarili mo lang ang niloloko mo. Lahat ng parte ng katawan mo kinokontra ka. Kahit may isang milyon kang dahilan kung bakit hindi siya posibleng magkagusto sayo, may isang milyon at kalahati ka namang tanong kung bakit hindi pwede. At kahit alam mong may gusto na siyang iba, hindi mo mapigil ang sarili mong umasa na sana ikaw na lang ‘yung nasa posisyon nung taong ‘yun. Ang swerte.. Ang saya niya siguro sa piling ng taong gusto mo. Pero ang hirap. Ang hirap maging masaya para sa kanila habang ikaw, nag-aantay pa rin na mapansin man lang niya. Isang tingin lang.. Isang ngiti lang, okay ka na. Tapos malalaman mo na lang bigla na sila na pala. Syempre masakit ‘yun. Pero kahit papaano, masaya ka na rin para sa taong gusto mo, dahil nakuha na niya ‘yung gusto niya. Ang problema, hindi nga lang ikaw ‘yun. Pero ayos lang, masaya naman siya. Ang hirap lang talaga na ikaw lang ‘yung nagkakagusto sa isang tao na hindi ka naman gusto.
Minsan mahirap din na ikaw ang gusto ng isang tao na hindi mo naman gusto. Mahirap din isipin na may taong nagkakagusto sayo. Pakiramdam mo hindi ka deserving ng ganung klase ng atensyon. Mahirap ang ganitong sitwasyon kasi ang unfair, na masaya ka sa piling ng iba habang nakikita mo siyang patingin-tingin lang sayo sa malayo. Hindi makalapit, hindi mapakali, hindi makatingin nang maayos. Mahirap na ikaw ‘yung gusto ng isang tao na hindi mo naman gusto kasi alam mong nasasaktan siya pero wala ka namang magagawa. Gusto mo siyang ngitian, lapitan at maging kaibigan pero ayaw mo namang ma-misinterpret niya ang mga ginagawa mo. Mahirap ang mapunta sa ganitong posisyon, kasi alam mo kung ano ang pakiramdam nang magkagusto sa isang tao na hindi ka rin naman gusto. Ang mas masakit e ikaw na mismo ‘yung gumagawa nito sa ibang tao. Ang hirap lang talaga na ikaw ‘yung gusto ng taong hindi mo naman gusto.
Minsan ikaw ‘yung may gusto pero hindi ka naman gusto. Minsan din naman ikaw ‘yung gusto pero hindi mo naman gusto. Pero anong magagawa mo diba? Ganun lang talaga ang takbo ng mundo, hindi lahat ng gusto mo mapapasayo.